Pagsisikap Tungo sa Kinabukasan ng Pangangalaga para sa Kanser sa Suso
Maraming taong may kanser sa suso ang gumagamit ng hormone therapy upang subukang paliitin ang posibilidad na bumalik ang kanilang kanser. Naghahanap ang CAMBRIA-1 na pag-aaral ng alternatibong opsyon sa pamamagitan ng paghahambing ng sinisiyasat na gamot sa mga kasalukuyang opsyon sa pangangalaga.

Tungkol sa Kanser sa Suso
Ang kanser sa suso ay isang sakit kung saan nawawalan ng kontrol ang pagdami ng mga cell ng suso. May iba’t ibang uri ng kanser sa suso, at naghahanap ang CAMBRIA-1 na pag-aaral ng mga taong may ER+/HER2- na nagsisimulang kanser sa suso.
Sa nagsisimulang kanser sa suso, matatagpuan lang ang tumor sa suso at sa mga nakapalibot na lymph node at hindi pa ito kumakalat sa ibang bahagi ng katawan.
Ang ER+/HER2- na kanser sa suso ang pinakakaraniwang uri ng kanser sa suso; sobra-sobra itong gumagawa ng mga estrogen receptor (ER+) ngunit hindi ng HER2 receptor (HER2-).
Tungkol sa CAMBRIA-1 na Pag-aaral
Ang layunin ng pag-aaral na ito ay matuto pa tungkol sa sinisiyasat na gamot na hindi pa ganap na nasusubukan at hindi pa naaaprubahan ng anumang awtoridad sa kalusugan, maliban sa paggamit sa mga pananaliksik na pag-aaral na gaya nito.
Gusto naming malaman kung ang pinahabang therapy sa sinisiyasat na gamot ay mas epektibo sa pag-iwas sa pagbalik ng kanser (kanser na bumabalik) kumpara sa pagpapatuloy sa karaniwang hormone therapy. Gusto rin naming mas maunawaan pa ang kanser sa suso sa pangkalahatan at ang mga problema sa kalusugang nauugnay dito.
Sino ang Kuwalipikadong Makibahagi?
Hindi bababa sa 18 taong gulang
May diagnosis ng ER+/HER2- na nagsisimulang kanser sa suso

Dati nang naoperahan upang alisin ang tumor (nang gumagamit o hindi gumagamit ng radiotherapy o/at neo-adjuvant chemotherapy)
Nagho-hormone therapy nang hindi bababa sa 2 taon ngunit hindi hihigit sa 5 taon
Ang lahat ng pagpapatingin, pagsusuri, at gamot na kinakailangan sa pag-aaral ay ibibigay sa iyo nang walang karagdagang bayad. Bukod pa rito, maaaring makakuha ka ng reimbursement para sa pagbiyaheng kinakailangan sa pag-aaral.
Buod ng pag-aaral
Sponsor ng Pag-aaral
AstraZeneca
Medikal na kondisyon
ER+/HER2- na nagsisimulang kanser sa suso
Tagal ng pag-aaral
5 taon na paggamot na may karagdagang 5 hanggang 8 taon na follow up.

Mga lokasyon ng pag-aaral
Isa itong pandaigdigang pag-aaral na magtatala ng mga kalahok mula sa North America, South America, Europe, South Africa, at Asia-Pacific.
Isa itong Phase 3 na Pag-aaral: Nasubukan na ang sinisiyasat na gamot sa phase 1 at phase 2 na pag-aaral upang makita kung gaano ito tinatanggap ng katawan. Ngayon, ibibigay ito sa isang malaking grupo ng mga tao. Nagsisikap ang mga mananaliksik upang matasa kung mas maganda ang mga kalalabasan ng sinisiyasat na gamot kumpara sa standard na endocrine therapy, masubaybayan ang mga side effect, maihambing ito sa mga mas pangkaraniwang ginagamit na paggamot, at mangolekta ng impormasyon na magbibigay-daan sa naaangkop na paggamit ng sinisiyasat na gamot o paggamot.
Ano ang Ibig Sabihin ng Paglahok?
Kung kuwalipikado ka at pipiliin mong lumahok, sasailalim ka sa isang serye ng mga pagsusuri na maaaring mangailangan ng ilang pagpapatingin sa iyong doktor o sa iba pang espesyalista. Tinatawag itong screening at ang kabuuang oras na gagamitin para sa mga gagawing pagsusulit na ito ay aabot ng hanggang 28 araw ang haba.
Pagkatapos ng yugto ng screening, kung matutugunan mo ang mga pamantayan sa pagiging kuwalipikado sa paglahok sa trial, isasama ka sa trial nang may 50% tsansa na makatanggap ng sinisiyasat na gamot o magpatuloy sa iyong kasalukuyang paggamot. Sasailalim ka sa yugto ng paggamot sa loob ng 5 taon, at pagkatapos noon ay magkakaroon ng yugto ng follow up.

Yugto ng Paggamot – 5 Taon
Ang panahon ng paggamot ng pag-aaral ay 5 taon. Sa panahong ito, dadalo ka sa mga pagbisita sa site. Magkakaroon ka rin ng mga pagbisita sa pagsusuri sa mata.
Yugto ng Follow Up – 1-2 beses taon-taon sa loob ng hanggang 13 taon
Pagkalipas ng 5 taong yugto ng paggamot, patuloy na may magfa-follow up sa iyo taon-taon upang kumustahin ang kalagayan ng iyong kalusugan. Magpapatuloy ito nang hanggang 10 taon pagkatapos sumali ng huling tao sa pag-aaral. Nangangahulugan itong maaaring maging bahagi ka ng pag-aaral na ito sa loob ng humigit-kumulang 10-13 taon.
Ano ang mga posibleng benepisyo at panganib?
Walang garantisadong benepisyo sa paglahok sa CAMBRIA-1 na pag-aaral. Gayunpaman, maaaring magbigay ang mga resulta ng pananaliksik ng karagdagang insight sa mga doktor ng kanser sa suso sa hinaharap kung paano mas mahusay na gamutin ang mga pasyente na may sakit na gaya ng sa iyo.
Mga FAQ
Ano ang klinikal na pag-aaral?
Ang mga klinikal na pag-aaral ay mga siyentipikong pag-aaral kung saan sinusubukan ang mga sinisiyasat na gamot at paggamot sa kontroladong paraan upang matiyak na naaangkop ang mga ito para sa mga taong maaaring nangangailangan ng mga ito. Isa ang mga ito sa pinakamahahalagang hakbang sa pagbibigay ng mga potensyal na gamot sa mga pasyente.
Bakit mahalaga ang klinikal na pananaliksik?
Ang klinikal na pananaliksik ay nagdaragdag ng impormasyon sa medikal na kaalaman at nakakatulong ito na magbigay ng mga potensyal na gamot sa mga taong may mga medikal na kondisyon. Upang magawang available sa publiko ang mga potensyal na gamot, kailangang mapag-aralan ang mga ito sa mga klinikal na pag-aaral. Nakadepende ang tagumpay ng mga klinikal na trial sa paglahok ng mga volunteer. Sa pangkaraniwan, maaaring abutin nang hanggang 8 taon bago makarating sa publiko ang sinisiyasat na gamot. Ang lahat ng sinisiyasat na medikal na paggamot at gamot ay dumaan sa mga klinikal na trial upang matiyak na tinatanggap at epektibo ang mga ito.
Sino ang nagpapatakbo sa mga klinikal na pag-aaral?
Ang mga klinikal na pag-aaral ay maaaring sinosponsoran, o pinopondohan, ng mga parmasyutikong kumpanya, pang-akademikong medical center, grupo ng volunteer, o provider ng pangangalagang pangkalusugan. Ang bawat klinikal na pag-aaral ay pinapangunahan ng pangunahing tagapagsiyasat, na karaniwang isang medikal na doktor. Ang mga klinikal na pag-aaral ay mayroon ding team sa pananaliksik na maaaring binubuo ng mga doktor, nars, social worker, at iba pang propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan.
Ano ang mga yugto ng klinikal na pananalisik?
Yugto I
Ang unang pag-aaral sa mga tao. Ang mga ito ay maliliit na pag-aaral na may humigit-kumulang 20-100 kalahok, karamihan ay malulusog na volunteer, ngunit sa ilang sakit gaya ng kanser, isinasagawa lang ang mga pag-aaral sa mga pasyente. Ang mga pangunahing layunin ay siyasatin ang mga sumusunod:
- Profile ng kaligtasan ng pinag-aaralang gamot
- Kung paano tinatanggap ng katawan ang pinag-aaralang gamot at kung anong dosis ang dapat na gamitin
- Kung paano inaalis sa katawan ang pinag-aaralang gamot
- Mga potensyal na side effect
Yugto II
Maliliit na pag-aaral na may humigit-kumulang 100-500 kalahok. Ang mga pangunahing layunin ay siyasatin ang mga sumusunod:
- Tuloy-tuloy na profile ng kaligtasan
- Kung gumagana ang pinag-aaralang gamot sa isang partikular na sakit
- Pinakamainam na potensyal na dosis ng pinag-aaralang gamot
Yugto III
Malalaking pag-aaral na may humigit-kumulang 500 o higit pang kalahok. Ito ang mga pangunahing pag-aaral para sa pinal na pag-apruba ng mga awtoridad sa kalusugan. Ang mga pangunahing layunin ay siyasatin ang mga sumusunod:
- Mga side effect sa mas malalaking populasyon
- Kung gumagana ang pinag-aaralang gamot sa isang partikular na sakit
- Kung gaano kaepektibo ang paggamot kumpara sa mga kasalukuyang karaniwang therapy
Yugto IV
Malalaking pag-aaral sa mga pasyente matapos maaprubahan ng mga awtoridad sa regulasyon ang pinag-aaralang gamot para sa pagrereseta (o paggamit ng publiko kung isa itong gamot na hindi nangangailangan ng reseta). Ang mga pangunahing layunin ay siyasatin ang mga sumusunod:
- Mga side effect ng pang-araw-araw na paggamit ng populasyon
- Mga panganib at benepisyo ng pangmatagalang paggamit
Ano ang ibig sabihin ng paglahok?
Bago makibahagi sa trial, hihilingin sa iyo na basahin at lagdaan ang dokumento ng may-kabatirang pahintulot upang tiyaking:
- Sumasang-ayon kang magboluntaryo.
- Nauunawaan mo ang pag-aaral, kabilang na ang lahat ng proseso, panganib, at potensyal na side effect ng pinag-aaralang gamot.
- Nauunawaan mong maaari kang umalis sa pag-aaral kahit kailan para sa anumang dahilan.
Sa proseso ng pagbibigay ng pahintulot, bibigyan ka ng pagkakataong magtanong sa kawani ng site ng anumang tanong na maaaring mayroon ka. Karaniwang bahagi ng paglahok sa klinikal na trial ang pagsailalim sa mga pagsusuri upang matukoy kung naaangkop ka para sa pag-aaral. Kung magiging kuwalipikado ka, regular kang magpapatingin sa klinika upang tanggapin ang sinisiyasat na gamot, sasailalim ka sa mga pagsusuri o proseso, at tatasahin ang iyong sakit. Susubaybayan ng kawani ng pag-aaral ang iyong pag-usad at kalusugan.